Aura Lindo | Managing Editor, The OLPSian Times
Apat na dekada na ang nakalipas mula noong nagtipon ang tauhan sa EDSA. Isang pangyayari sa ating kasaysayan na kung alalanin ay daan para maitawid ang kinabukasan. Ang buong kasaysayan ng bansang Pilipinas ay may tatak sa bawat Pilipino—bago pa man makilala ang bansa hanggang sa araw-araw na buhay natin ngayon—lahat ng ‘to ay humuhugis sa ngalan ng bansa.
“Never again, never forget,” ang sigaw ng taumbayan, pero ganu’n nga ba ang paninindigan ng lahat?
Pebrero 25, taong 1986, sabay-sabay umatungal ang boses ng masa laban sa katiwalian ng isang Marcos. Lumalaban para sa karapatan sa isang demokratikong bansa. Kaya walang kapos, kada taon, inaalala natin ang naganap na EDSA People Power Revolution sa mismong araw ding ito. Apatnapung taon na ang nakararaan. Inaalala natin ang bakit, paano, at sinu-sino. Bakit nangyari ang bloodless revolution, paano nagsimula at nagtapos, at sinu-sino ang mga lumaban para sa tinatawag nating kalayaan ngayon?
“Hindi na ulit, hindi kakalimutan,” ngunit ang mismong anak ng naging dahilan ng rebolusyon ang siyang lumalagda ngayon sa deklarasyong parang may tangkang burahin ang ebidensya ng nakaraan?
Noong Oktubre 13, taong 2023, naglabas ang Malacañang ang Proclamation 368 ng Presidenteng Bongbong Marcos Jr., kung saan wala ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa listahan ng mga holidays para sa susunod na taon. Ang taun-taong pagalala sa rebolusyon ay hindi lang bakasyon, kundi isa itong araw para sa pagalala, sa pagnilay, at sa pagaral sa kasaysayan ng bayang kinalakihan ng mga Pilipino. Isa itong paalala na huwag umulit sa nakaraan—paalala sa lahat ng ginawa at binigay ng mga lumaban noon.
Ang kasaysayan ay paalala sa mga pagkakamali ng nakaraan. Ang kasaysayan ay paraan upang matuto at magtayo ng bago, ng mas matibay, at mas maayos. Ang mga anibersaryo ng mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ay hindi lang mga araw, kundi mga pagkakataon na maalala kung saan tayo nanggaling at para magpasalamat sa ating buhay ngayon.
Kinikilalang bloodless revolution ang EDSA People Power, pero hindi ibig sabihin ay bloodless din ang kabuhayan ng bayan no’n. Bago man maganap ang rebolusyon, nanirahan ang bayan sa takot, sa dilim, sa pag-iisip na wala nang pag-asa. Kada patak ng dugo ay takot na baka sila ang susunod. Ang mismong patak ng dugo na ngayo’y humuhubog sa pangalan ng ating bansa.
Tao ang pag-asa; tayo ang pag-asa. Tayo ang nakakaalala sa nangyari sa nakaraan. Walang wawastong dahilan upang kalimutan at palitan ang nangyari na—tayo’y maging daan sa bagong bukas ng bayan.